Project 12 x 2 - 1, Scene 9: Yakimix
Etong sunod na pinuntahan namin ang pinaka-impromptu pick so far sa aming mga food hunting. May naka set na kaming bisitahin na ibang resto days before our date pero last minute (as in the day itself) naging... voila... Yakimix na lang!
Ang paunang hirit:
We knew we were going to try Yakimix for our Project 12x2-1 but we never thought it was going to be that soon. Natakam lang kami bigla nung napag-usapan ang Yakimix during lunchtime nung araw na naka-sched na kaming mag-foodtrip sa iba. Kaya re-sched na lang yung resto na unang balak namin puntahan at sugod sa Yakimix instead!
Malapit lang yung office sa Greenbelt 3 branch nila kaya very accessible. Nasa third level ito, kahilera ng Bollywood at Bed Space (take the escalator from the Bubba Gump side of Greenbelt 3). Kung galing naman sa side ng Greenbelt 5 walkway, it's about 4 establishments past the cinemas. Oo, ka-floor niya ang sinehan ng Greenbelt 3.
So kung magtatanong ng direksyon sa random strangers, yung sinehan ng Greenbelt 3 ang hanapin. Mas likely na alam ito ni Manong Guard.
Eat-all-you-can ("buffet" sa mga konyo) ang Yakimix at wala silang tingi-tingi ("ala carte" sa mga konyo) na ulam. Sabi sa placemat nilang papel, they serve Korean, Chinese, at Japanese food.
Ang chicha:
- Sandamakmak na lutong pagkain
- Sandamakmak na on-the-spot grilled chicha
- Konting hilaw na pagkain
- Konting appetizer
- Sandamakmak na panghimagas
(Babala: Ang mga pangalan ng bawat sections ay gawa-gawa ko lamang at hindi eto ang eksaktong tawag ng establishment dito... unless napalakas ang tyamba ko.)
1. Cooked Food Section
Andito makukuha yung mga lutong pagkain nila (doh!). The night na pumunta kami, I remember seeing at least around 14 to 16 dishes yata yun. Madami ito para sa isang buffet resto. Kaso para sa akin parang pare-pareho yung klase ng luto.
Ang mga tinikman namin ay:
(Babala: Ang mga pangalan ng bawat ulam ay gawa-gawa ko lamang at hindi eto ang eksaktong tawag ng establishment dito... unless kagila-gilalas ang tyamba ko.)
- Minatamis na Pork (Baboy na ang sauce ay parang matamis na sauce.)
- Yangchow Fried Rice (Eto tawag sa ma-nga plai lai namen ma-nga Tsino!)
- White Chicken (Pinakuluang manok.)
- Lechon Macau (Lechong baboy.)
- Pancit Sotanghon (Stubborn na sotanghon na may fish fillet.)
- Steamed Weird Gulay (Mukang talbos ng munggo yung gulay.)
- Meat or Potato Balls (Parang meatballs na parang potata balls na nilagyan ng breading at pinirito.)
- Minatamis na Chorizo (Chorizo na parang binabad sa caramelized breading.)
- Beef with Brocolli (Parang sa North Park. Pero mas masarap yung sa North Park.)
Walang espesyal sa mga kinain namin sa section na ito. Sobrang tipikal. Walang kagila-gilalas ang sarap pero wala rin namang panget ang lasa. Mediocre lang talaga. Naks. Kuha na ng dictionary!
2. Sushi Counter
Andito yung mga pagkaing kinakain ng hilaw. In short, Japanese. Eto yung pinangingilagan kong parte.
Time to shine ito ni Kumander Potato. Siya lang ang tumira ng lahat ng mga kinain namin dito. Yumari lang ako ng kapirasong crab stick, isang kagat ng salmon sashimi, at isang strip ng tamago (egg) maki.
The rest ng maki at kung ano ano pang sushi ay si Katlina na ang sumampol. Masarap naman daw (as in) at piyesta sa dami ng mapagpipilian. I wouldn't know.
Eweness.
3. "For Grilling" Section
Andito yung mga hilaw na pagkain na iihawin pa sa lamesa ng kustomers (unless, by some barbaric reasons, gusto din nila itong tirahin ng hilaw).
May smokeless grill sa bawat lamesa na pwedeng gamiting pang-ihaw sa mga pagkaing manggagaling sa section na ito. Para sa amin, ito yung best feature ng Yakimix na babalik-balikan namin. Instant ihaw-ihaw in your face. Parang shabu-shabu. Take note, kustomers mismo ang mag-iihaw so kanya kanyang diskarte eto.
Ang mga sinubukan namin:
(Babala: Ang mga pangalan ng bawat ulam ay gawa-gawa ko lamang at hindi eto ang eksaktong tawag ng establishment dito... unless ako na ang papalit kay Madam Auring sa panghuhula.)
- Hipon (Andami naming nakain neto. Dito namin nabawi yung binayad namin.)
- Beef in Red Wine (Karne ng baka na marinated sa red wine. Sosi! Nakarami din kami neto.)
- Bacon-Wrapped Asparagus (Bacon na nakabalot sa asparagus... doh!)
- Pork-wrapped Mushroom (Mushroom stalks na nakabalot sa karne ng baboy.)
- Hotdog (Bumalik sa pagka-bata.)
- Filleted Fish (Hindi ko alam kung anong isda ang ginamit dito. Parang salmon.)
- Pork Kebab (Pork served kebab-style.)
- Pork with Spices (Karne ng baboy na marinated sa iba't ibang spices na maanghang at sesame seeds.)
Ang pinaka patok sa amin ay yung Beef in Red Wine. Sa lahat ng kinuha namin, eto lang yung sure ako na yan talaga ang tawag sa kanya. Naaaapaka sarap ng marinade. Mas okay ito kung medium-well ang pag grill para mas malasa ang katas ng red wine.
Marami pa kaming hindi nasubukan sa section na ito na dapat balikan. Para sa akin, mas magandang dito magbabad at wag nang pag-aksayahan ng panahon ang Cooked Food Section. Makulit yung experience, grilling your own food right in front of you in a resto. Eto yung masaya balikan dito.
Kung medyo may alam sa kusina, pwede pa mag experiment ng mga combinations para magpasikat sa ka-date or plainly just to feel like a mad chef. Basta ba kakainin niyo kung anong mad concoction ang magawa nyo after eh.
4. Salad Bar
Nandito yung gawaan ng salad. Hindi na din kami masyadong nag-babad dito dahil tipikal naman ang makakain sa gento.
Sumubok lang ako ng konting salad sa Caesar at honey mustard, para lang masabi na "at least, I tried". As expected, nothing spectacular. Tipikal na Caesar at honey mustard dressings.
5. Dessert Section
Ang minatamis. Bow.
Madaming minatamis. Pero hindi na din namin sinubukan sampolan yung ibang mga tipikal na dessert tulad ng ice cream at fruit salad.
Eto na lang:
- Tiramisu (Masarap daw sabi ni Katlina.)
- Coffee Jelly (Mapakla. Pero ganun talaga dapat eh.)
- Mango Gulaman (Pang-gago yung tawag na "mango". Wala siyang buong mangga sa loob kundi manggang giniling na pino at nilagay sa kulay violet na minatamis na sabaw na lasang ginataan na binudbudan ng madaming sago. Sobrang trip ito ni Coach Potato na nakatatlong balik ata siya neto.)
- Leche Flan (OO na, tipikal na dessert nga ito. Wag nang kumontra!)
- Brownies
- Caramel Bar (Parang sa Max's pero hindi matamis at pinipig ang nasa taas.)
Kumo-comment pa:
First class yung ambiance. Maganda ang interiors at pang-hotel ang mga muwebles. Malawak ang lugar at hindi mukang pinagsiksikan yung bawat lamesa. May harang na mataas na wooden dividers ang bawat tables so okay sa privacy.
Maingay yung lugar (mostly attributed sa dami ng kumakain) at kada pasok ng kustomer, sigaw ng sigaw lahat ng staff ng "MEH HUSSAH MAZEEEH!!!" na mas tunog Jewish Freedom Fighter battlecry kesa Japanese greetings. Ang siste, sa dami ng kumakain, ganun din sila kadami sumigaw. Siguro mga once every 3 minutes. Siguro salabat ang opisyal na inumin ng mga staff and crew dahil walang napapaos sa kanila.
Moving on, sobrang dami talaga ng kustomers nila lalo na kung meal time. Naka-tyamba lang kami ni Kumander Patatas na pag-dating namin, pang-walo lang kami sa listahan. After siguro mga 10 minutes lang, binisita ni Katlina yung listahan ng reservation at nasa 15 groups na agad yung naka-waiting list. Astig. Kaya mas mainam na tumawag agad ahead of time for reservations. May tropa ako na naghintay na ng two hours bago nakakain. Hindi imposible ito sa kasikatan ng Yakimix.
I have to mention as well that they have a comfortable waiting lounge. May libre pang complimentary drinks. Kaso madali din itong mapuno so pag ganun, sorry na lang... sa labas ka mag-iintay.
Wala akong problema sa staffs. Umaapaw sila sa dami ng staffs kaya hindi mahirap humagilap ng mapag-uutusan ng pangangailangan. Napaka-pleasant din nila at hindi nakakalimot ng iniutos. Sila ang usual na nagbubukas ng smokeless grill sa bawat lamesa, pero pwede kang magpaturo kung paano i-operate ito para pwede mong buksan at patayin kung hindi kailangan.
Tongs ang gamit na pang luto sa smokeless grill. Medyo may kabigatan at stubborn yung tongs dahil mahirap sipitin yung pagkain. Kami, yung kubyertos na lang namin ang ginamit namin na pang-ihaw.
Medyo matagal mag-refill nung mga in-demand na pagkain. Matagal akong nag hintay sa US prime beef at tempura in vain. Kaya ipinagsa-Diyos ko na lang at ibang pagkain na lang ang tinira ko. Medyo mahirap din basahin yung captions ng bawat food kasi nag-tatago sa ilalim ng ledges kaya madilim at kailangan pang yumuko ng bahagya para mabasa. Pano na yung mas malalabo pa ang mata.
Kelangan ko din mag special mention na masarap ang tubig nila sabi ni Coach Potato.
Tsaka pahabol pa ulit. Andun si Heart Evangelista at yung BF niyang Hapon ang pelyedo nung araw na pumunta kami doon. Sobrang payat niya kaya hindi ko na siya kras.
Kaching!:
P580 per ulo kapag hapunan at P480 naman kung tanghalian.
Mura ito para sa isang buffet na katulad ng quality nila ang pagkain at pati sa ambiance. Parang pang hotel na eh. Halos katulad na ng buffet experience sa Shangri-La.
Ang alam ko mas mahal or kasing presyo ito ng sa Dad's/Kamayan na mas inferior ang ambiance at pagkain (mas madami lang ang putahe). Haven't been there for quite some time. But from what I remember, I'd pick Yakimix over it anytime of the day.
Ang hatol:
Mura dito for what it offers pero I have to admit na masakit pa din ito sa bulsa. So pumunta lang dito kung may masusunog na pera at kung seryoso sa ka-date.
Kung walang ipon at katawan lang ang habol sa ka-date, mag Jollibee na lang.
9 out of 14!
*****
January (Month End): Nihonbashi Tei (Click Here)
February (Filler): Good Taste, 50's Diner, Oh My Gulay! (Click Here)
February (Mid Month): Sakae Sushi (Click Here)
February (Filler): Ba Noi's (Click Here)
February (Month End): Makan Makan (Makansutra) (Click Here)
March (Mid Month): Toast Box (Click Here)
March (Month End): My Thai Kitchen (Click Here)
April (Filler): Cafe Mediterranean (Click Here)
April (Mid Month): Le Ching Too (Click Here)
April (Month End): Dong Bei Dumplings, Wai Ying Fastfood (Click Here)
May (Mid Month): Peri-Peri Charcoal Chicken (Click Here)
May (Month End): YakiMIX (Click Here)
2 Comments:
tara jollibee tayo! hehehe!
hindi ka pang Jollibee... pang Yakimix ka eh! ayun oh.
Post a Comment
<< Home