Maki Baka, Wag Kuneho
"Luha"
by Obi
(Feb 18, 2008)
Maaga kami pinauwi sa trabaho nung nakaraang Biyernes.
May rally sa kanto.
Bida si Lozada. Kontrabida ang mga trapo.
Gloria resign! Gloria resign! Gloria resign!
Paulit ulit sa aking diwa, habang sumusundot ng kwek kwek.
Hanggang di ko namalayan, may dumaloy sa aking mga mata...
Lumuluha ako habang naglalakad sa kahabaan ng Ayala.
Naluluha ako...
Hindi dahil mahaba ang nilakad ko papuntang MRT,
Hindi dahil ang sikip ng dinaanan ko
Makalampas lamang sa mga nagmamalasakit na mamamayan,
Na sumisigaw ng hustisya,
Ng katapatan,
Ng kalayaan sa katiwalian!
Naluluha ako...
Hindi dahil alam ko sa kaibuturan ng kukote ko,
Na walang mangyayari sa welgang ito,
Na bukas, pag mulat ng mata ng may ilang libong taong sumali,
Nakaupo pa din si Gloria...
Nagpapahinga,
Nagbibilang ng salaping nakubra,
Nag-iisip ng bagong paraan...
Para paikutin ang isipan ng taong bayan,
Para ilayo ang usapan sa ZTE,
Para pilit maitago ang hayagang panlilinlang.
Naluluha ako...
Hindi dahil kailangang humantong sa ganito:
Naghihirap ang sambayanang Pilipino...
Nagbabayad ng utang na hindi napapakinabangan,
Nagtatrabaho kahit palaging kulang ang laman ng plato,
Sumisigaw ng pagbabago sa mga tengang walang naririnig.
Blangko.
Naluluha ako...
Hindi dahil sa welga...
Kung hindi dahil mainit ang kwek kwek na naisubo.
2 Comments:
lol! ikaw talaga...sasabihin ko pa man ding ako man naluluha dahil kahit na malabo ang sinasabing pagbabago sa panahon ngayon..nariyan pa rin ang mga taong kumikilos para makamit ito// lol!!! miss ko na kwek kwek :(
manila girl: haha mag export na lang ang Pinas ng kwek kwek... baka umunlad pa! :D
Post a Comment
<< Home